Manila, Philippines – Ngayon pa lang ay nagpahayag na ang ilang mambabatas na hindi susuportahan ang martial law na idineklara ni Pangulong Duterte.
Ayon kina Gabriela Reps. Emmi de Jesus at Arlene Brosas, hindi sila boboto ng pabor sa martial law.
Bagamat kinukundena ng mga ito ang pagatake ng Maute Group, iginiit ng mga lady solons na wala namang basehan para buong Mindanao ang ideklara sa ilalim ng batas militar gayong sa Marawi lamang nangyari ang pag-atake ng local terrorist group.
Hindi man direktang sinisisi, pero itinuturo ng mga mambabatas mula sa Gabriela na dahil sa pumalpak na manhunt operation sa ISIS leader na si Isnilon Hapilon kaya nangyari ang krisis ngayon sa lugar.
Tutol din si Kabataan Rep. Sarah Elago sa deklarasyon ng martial law dahil bukas ito sa posibilidad na maabuso at ang pagtaas ng bilang ng paglabag sa karapatang pantao kasunod na rin ng suspensyon ng writ of habeas corpus sa ilalim ng batas militar.
Nagbabala din si Elago na posibleng makialam din sa martial law sa Mindanao ang US troops para majustify ang deployment ng mga Amerikanong sundalo sa bansa.
DZXL558, Conde Batac