Dismayado ang Makabayan bloc sa posibleng pagiging “COVID-19 super spreader” ng mga pulis ng Philippine National Police (PNP) partikular sa Quezon City na idineploy sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Bayanmuna PL Rep. Eufemia Cullamat, panay pa naman warning o babala ng mga pulis hinggil sa quarantine protocols sa kasagsagan ng pandemya.
Maliban dito ay may mga sibilyan at aktibista ring hinuhuli dahil sa pagiging quarantine violators, pero ang mga pulis pala ang tunay na hindi sumusunod at mga pasaway.
Ani Cullamat, bakit hindi tiniyak na COVID-19 free ang mga pulis, bago sila pinag-trabaho.
Dagdag ni Bayanmuna Partylist Rep. Ferdinand Gaite, dinala ng mga pulis sa alanganin at delikadong sitwasyon ang mga taong nagprotesta noong SONA.
Aniya, sadyang napaka-iresponsable ng mga naturang pulis at kanilang hepe at dapat na papanagutin dito ang pamunuan ng PNP.
Sa pinakahuling ulat, inalis na ni PNP Chief Guillermo Eleazar sa pwesto ang hepe ng QCPD station na nagdeploy ng mga pulis kahit hinihintay pa ang resulta ng kanilang COVID-19 tests.