Nangako si House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate na ipagpapatuloy ng Kamara ang mga nasimulang programa ng pumanaw na environmental activitist at dating DENR Sec. Gina Lopez.
Nagparating ng pakikiramay si Zarate at ang mga kongresista ng Bayan Muna sa pamilyang Lopez.
Matagal ding nakatrabaho ni Zarate ang dating Kalihim noong siya pa ang Chairman ng House Natural Resources Committee ng 17th Congress partikular na sa pagsusulong ng People’s Mining Bill.
Giit ni Zarate, malaking kawalan sa bansa ang pagyao ng isang matapang na tagapagtanggol ng kalikasan na si Gina.
Tiniyak ng kongresista na ipagpapatuloy nila ang mga isinusulong na preservation ng kalikasan sa pamamagitan ng paghahain ng mga panukalang batas.
Laking panghihinayang naman ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat dahil bukod sa kalikasan, si Lopez din ang nagbigay pansin sa kanilang mga indigenous people partikular sa kanilang pamumuhay at pakikipaglaban sa kanilang ancestral land.
Dagdag naman ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, hinding-hindi makakalimutan ng lahat si Lopez lalo na ng kalabanin at ipasara nito ang mga malalaking minahan na sumisira sa kapaligiran.