Nakiusap pa ang ilang kongresista sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na irekonsidera ang pagtanggal sa tatlong bayani ng World War II na makikita sa ₱1,000 banknote.
Kasabay nito ay nagpahayag ng pagkalungkot at dismaya si Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo Ordanes dahil sa bagong ilalabas na ₱1,000 banknote na ang nakalagay na ay ang larawan ng Philippine Eagle habang aalisin na rito ang larawan ng mga bayaning sina Josefa Llanes-Escoda, Chief Justice Jose Abad Santos, at General Vicente Lim.
Hiling ng kongresista sa BSP na panatilihin ang larawan ng tatlong bayani lalo pa’t sa taong 2025 ay ika-80 taon ng paggunita ng pagwawakas ng WWII.
Hindi naman aniya dapat binabago pa ang disenyo lalo’t matagal na sa sirkulasyon ang larawan ng mga bayani.
Malaking ehemplo sa mga Pilipino at sa bayan ang tatlong bayani dahil kung titingnan ang kasaysayan ng ikalawang digmaang pandaigdig, ang mga ito ay hindi lamang namuhay ng marangal kundi hindi rin sila pumayag na pumanig sa mga mananakop at buong puso na inalay ang buhay para sa bansa.