Ilang kongresista, kinalampag ang PhilHealth na sagutin ang medical bills ng mga magkakasakit ng COVID-19

Kinalampag nila Assistant Majority Leader at Quezon City Representative Precious Hipolito-Castelo at Committee on Health Vice-Chairman at Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na irekunsidera ng PhilHealth na sagutin ang lahat ng gastos ng mga pasyente ng COVID-19.

Giit ni Castelo, ang paglilimita ng PhilHealth sa pondo para sa mga pasyenteng magkakasakit ng COVID-19 ay taliwas sa unang pahayag noong April 2 ni PhilHealth President Ricardo Morales na sasagutin ng gobyerno ang lahat ng medical bills ng mga infected patients.

Higit aniyang maapektuhan dito ang mga mahihirap at mga senior citizens na walang pamamaraan para mabayaran ang sosobra sa pagpapagamot.


Sinabi pa ng lady solon na 80% ang inaasahang mild at moderate pneumonia cases kaya hindi naman lahat ng infection ng Coronavirus Disease ay mauuwi sa severe at critical cases na may pinakamalaking gastusin.

Kumpyansa naman si Defensor na kayang akuin ng PhilHealth ang gastos para sa COVID-19 treatment dahil may sapat itong resources na maaaring pagkunan ng pondo.

Para aniya sa taong ito ay inaasahan na makakakolekta ang PhilHealth ng PHP 104 Billion mula sa kontribusyon ng mga myembro at makakatanggap pa ito ng PHP 71.3 Billion ng pondo mula sa gobyerno.

Lumalabas na PHP 175 Billion ang magiging pondo ng PhilHealth wala pa dito ang income o kita mula sa mga investments.

Noon lamang 2018 ay nakakolekta ang government health insurance firm ng PHP 118 Billion sa contributions at nakapagtala ng PHP 8 Billion na profit o kita.

Facebook Comments