Manila, Philippines – Nagbabala ang ilang mga kongresista kay Senator Franklin Drilon tungkol sa ibinabato nito sa Kamara na pagkakasingit ng pork barrel sa inaprubahang 2020 General Appropriations Bill.
Ayon kay Ilocos Sur Representative DG Savellano, hindi dapat husgahan at batikusin ni Drilon ang trabaho ng mga kongresista nang walang basehan dahil maaaring bumalik sa kanya ang isyu.
Sa katunayan, isa umano si Drilon sa mga nakinabang sa priority development assistance fund o PDAF scam noong 2013 na idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema.
Naharap rin aniya ang senador sa kaso sa Office of the Ombudsman matapos ilaan ang P200 million na pork barrel nito sa pagpapatayo ng Iloilo Convention Center.
Tinawag naman ni Misamis Occidental Representative Henry Oaminal sina Drilon at Senator Ping Lacson na “obstructionist” o hadlang sa proseso ng panukalang pambansang pondo.
Ngayong araw isusumite ng Kamara ang ipinasang 2020 GAB sa Senado.