Ilang kongresista, naghain ng panukala para harangin ang dagdag na SSS contribution ngayong taon

Inihain nila CIBAC Partylist Reps. Eddie Villanueva at Domeng Rivera ang panukala na nagpapaliban sa Social Security System (SSS) premium rate increase.

Sa House Bill 8304, hiniling ng mga kongresista na pansamantalang itigil muna ang pagtaas sa kontribusyon ng mga SSS members ngayong taon.

Inaamyendahan ng panukala ang RA 11199 o Social Security Act of 2018 kung saan ang share ng employer at empleyado sa SSS contribution ay tataas sa 13% mula sa kasalukuyang 12% ngayong 2021.


Nakapaloob din sa panukala na kapag may pandemya ay otomatikong suspindihin ang anumang pagtataas sa SSS rates.

Iginiit ni Villanueva ang agad na pagpapatibay sa panukala upang mabigyang pagkakataon ang mga employers at mga empleyado na makabangon sa epekto ng pandemic.

Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS), 27.3 million na mga Pilipino o 45.5% ng labor force ng bansa ang nawalan ng trabaho sa ilalim ng COVID-19 pandemic.

Dagdag pa dito, bagamat may iba na nanatili sa kanilang trabaho ay binawasan muna ang mga natatanggap na kompensasyon at iba pang benepisyo ng ilang empleyado para makatawid ang maraming kumpanya sa krisis.

Facebook Comments