Nagkataasan ng boses at nagkainitan ang ilang kongresista na kasapi ng House Committee on Appropriations makaraang isulong ni Sagip Party-list Rep. Rodante Marcoleta na tapusin na ang pagtalakay sa ₱2.037 billion na 2025 proposed budget para sa Office of the Vice President (OVP).
Ito ay dahil hindi naman sumipot si VP Sara Duterte at hindi rin nagpadala ng kinatawan, at ayon kay Marcoleta, naging tradisyon na alang-alang sa interparliamentary courtesy ay hindi na talaga tinatalakay ng matagal sa komite ang budget para sa Office of the President at OVP.
Ang nabanggit na motion ni Marcoleta ay sinegundahan ni Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab pero tinutulan ito ng ilan pang miyembro ng komite tulad ni Abang-Lingkod Partylist Rep. Stephen Paduano na iginiit na hayaan ang mga miyembrong magtanong dahil karapatan ng mga kongresista na busisiin ang budget.
Pumalag din ang mga kongresista na kasapi ng Makabayan Bloc dahil anila kawalan ng respeto sa Kamara ang hindi pagsipot ni VP Sara Duterte sa budget hearing.
Para mapahupa ang tensyon ay nagpasya ang presiding officer ng Budget Hearing na si Committee Vice Chairperson at Marikina Representative Stella Quimbo na magbotohan kung saan nanaig ang boto para sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa budget ng OVP kung saan dumadalo ay ang mga kinatawan ng Department of Budget and Management (DBM) at Commission on Audit (COA).