Ilang kongresista, nagpahayag ng pagtutol sa term-sharing sa pagka-Speaker

Capiz Rep. Fredenil Castro

Tinawag ni Capiz Rep. Fredenil Castro ang pansin ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco kaugnay sa usapin ng term-sharing sa Speakership.

Sa privilege speech, sinabi ni Castro na nasasaktan umano siya sa pang-aalipusta ng iilang ligaw na kasamahan sa liderato ng Kamara para lamang sa kanilang pansariling interes at layunin.

Paalala ni Castro, sa kasunduan sa pagitan nila Velasco at Speaker Alan Peter Cayetano, ang tanging mapapalitan lamang ay ang pwesto ng Speaker at Chairman ng Committee on Accounts.


Hindi aniya mangyayari ang ‘smooth transition’ sa liderato ng Kamara kung pati ang mga Committee Chairmen at mga Deputy Speakers ay tatangkain ding tanggalin sa pwesto.

Isinumbat din ni Castro kay Velasco na inalok pa nga ni Cayetano ang kanyang mga political allies para maupo sa house leadership ngunit sa halip na tumbasan ng pagtulong at pagkakaisa ay nagresulta pa ito sa hindi pagkakasundo ng mga miyembro ng Kamara.

Iginiit pa ni Castro na ipinakita lamang ni Velasco ang kanyang tunay na pagkatao.

Si Velasco umano ay hindi nagtrabaho, walang iniambag, at hindi rin dinepensahan ang Kamara kaya papaano sila susunod sa kanya.

Ipinaalala pa nito kay Velasco na ang Office of the Speaker ay “first among equal” kung saan kaisa at kapantay dapat ang Speaker sa trabaho at tagumpay, gayundin sa dedikasyon sa publiko at pagtrato sa mga kasamahan na may paggalang.

Facebook Comments