Ilang kongresista, nanawagan sa gobyerno na maglatag ng bagong guidelines sa “new normal” na susundin ng publiko

Pinaglalatag ni KABAYAN Partylist Rep. Ron Salo ang Department of Health (DOH) at ang Inter-agency Task Force (IATF) ng protocol para sa “new normal” na susundin ng publiko sakali mang magkaroon ng partial o total lifting ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Paliwanag ng mambabatas ang maagang paglalatag ng guidelines ay makatutulong Sa Local Government Units (LGUs) at iba’t ibang sector upang makapaghanda at maipaunawa sa publiko ang mga magiging kondisyon sa tinatawag na “new normal”.

Kung ngayon pa lamang ay mapaghahanda na ang taumbayan ay maiiwasan ang resurgence o 2nd wave ng pagkakasakit.


Samantala, inirekomenda naman ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin na panatilihing sarado ang mga eskwelahan at malls at tanging mga essential stores at manufacturing lamang ang maaaring buksan sakaling ipatupad ang modified quarantine pagkatapos ng April 30 na extension sa ECQ.

Maaari na rin, aniyang, ibalik ang public transportation ngunit kailangang maghigpit sa passenger capacity at travel restrictions.

Kaakibat, aniya, ng modified ECQ ang ibayong paghihigpit katulad ng patuloy na social o physical distancing, mandatory na pagsusuot ng face mask at pagbabawal sa mass gatherings habang ang mga seniors, may sakit at mga buntis ay kailangan manatili sa bahay.

Para naman kay BHW Partylist Rep. Natasha Co, kailangan manatili sa ilalim ng ECQ ang mga lugar na kasalukuyang mayroong mga kaso ng COVID-19 habang maaari naman i-lift ang ECQ sa mga lugar na wala nang naitatalang kaso sa loob ng dalawang linggo.

Facebook Comments