Ilang kongresista, pinamamadali na sa pamahalaan ang paglalatag ng mas epektibong COVID-19 response at recovery measures

Kinalampag na ng mga economist-lawmakers ang pamahalaan na kailangan nang madaliin ang paglalatag ng mas mahusay na pagtugon sa COVID-19 pandemic at recovery measures.

Ang panawagan ng mga kongresista ay kasunod ng report ng Philippine Statistics Authority (PSA) na umakyat pa nitong Pebrero sa 4.2 million ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho.

Umapela sina Albay Rep. Joey Salceda at Marikina Rep. Stella Quimbo sa Kongreso na agad aprubahan ang ₱420 bilyon na Bayanihan 3 para mabigyan na ng agarang tulong ang mga Pilipino partikular ang mga kabilang sa working class at mga “most vulnerable” sa sakit.


Nababahala sina Salceda at Quimbo na lalo lamang lulubha ang sitwasyon ng trabaho sa bansa dahil sinabayan pa ito ng muling pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Tinukoy ni Salceda na ang nakakaalarma ay ang pagsasara ng maraming family-operated farm o mga small and medium family business sa 17% nitong Enero hanggang Pebrero 2021.

Bumagsak din ang craft at related trade workers kung saan 56,000 na trabaho sa industriyang ito ang nawawala sa kada buwan.

Dagdag naman ni Quimbo, sa muling pagbabalik sa ECQ ay nalalagay sa alanganin ang sitwasyon ng maraming Pilipino dahil walang sahod na matatanggap ang 5.25 million na mga kabilang sa “no work, no pay workers.”

Facebook Comments