Walang hadlang na nakikita si House Strategic Intelligence Committee Chairman Johnny Pimentel sa pag-take over ni Philippine Ports and Gaming tycoon Enrique Razon Jr., sa “Malampaya Deepwater Gas-to Power project”.
Mula kasi sa pangangasiwa ni Udenna Corp. Chairman Dennis Uy ay ililipat na ang pamamahala sa operasyon ng Malampaya kay Razon.
Kung si Pimentel ang tatanungin, sila sa Kongreso ay naniniwalang malayang makakapasok at makakalabas ang mga pribadong kumpanya sa umiiral na petroleum service contracts.
Aniya pa, ang mga ganitong pagsasalin ng pamamahala sa petroleum service contracts ay pawang private commercial transactions tulad ng bentahan ng investments sa pagitan ng mga korporasyon.
Nasa matatag na posisyon din umano ang negosyante para pakinabangan ang imprastraktura ng Malampaya para pambuwelo sa pagpapahusay ng potensyal na integrated gas hub.
Bukod sa Malampaya ay mayroon ding 30% na bahagi sa petroleum service contract si Razon sa Sampaguita gas discovery na may 3.5 trillion hanggang 4.6 trillion cubic feet ng langis kumpara sa 3.4 trillion cubic feet ng Malampaya nang una itong madiskubre noong 1989.