Tutol ang ilang mga kongresista sa pagkakaroon ng hiwalay na kagawaran para sa Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ayon kay Bayan Muna Partylist Rep. Ferdinand Gaite, matagal na nilang tinututulan ang panukalang batas para sa pagtatatag ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos.
Paliwanag ni Gaite, hindi solusyon ang pagtatayo ng isang departamento para tugunan ang karapatan at kagalingan ng mga kababayang Pilipino sa ibayong dagat.
Giit ng kongresista, sa halip kasi na maglatag ng stop-gap measure upang hindi na kailanganing umalis sa bansa ng mga Pilipino ay mistulang ginagawa pang long-term program ang “labor export policy”.
Taliwas din aniya ang pagkakaroon ng kagawaran para sa OFWs sa naunang pahayag noon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang mga unang taon na nais niyang wakasan ang pagpapadala ng mga OFW sa abroad at sa halip sa Pilipinas sila bibigyan ng maraming oportunidad para magtrabaho.