Hinikayat ni Assistant Majority Leader Fidel Nograles ang Inter-Agency Task Force (IATF) na ibasura na ang polisiya na nag-oobliga sa paggamit ng face shields.
Giit ni Nograles, tutal ay pinapayagan naman na ang pagsasagawa ng ilang sports at panonood ng pelikula nang walang face shields ay marapat malamang na alisin na ang buong polisiya sa paggamit ng face shield.
Aniya pa, wala naman ding garantiya na ang face shield ay talagang dagdag na proteksyon laban sa COVID-19.
Bukod dito ay dagdag gastos lamang ang face shield lalo na sa mga nawalan ng trabaho.
Pinuna rin ng kongresista na dagdag problema lamang sa plastic pollution ang face shield na nakakasira sa kapaligiran.
Matatandaang naunang ipinanawagan ni Speaker Lord Allan Velasco sa isinumiteng liham kay Pangulong Rodrigo Duterte at Health Secretary Francisco Duque III ang pag-relax sa paggamit ng face shields dahil pabigat lamang ito sa mga Pilipinong nahihirapan na sa gastos sa pandemya.