Ilang kontrobersyal na panukala, muling inihaing ngayong 18th Congress

Manila, Philippines – Muling inihain sa Kamara ang ilan sa mga kontrobersyal na panukalang batas sa unang araw ng 18th Congress.

Ilan sa mga ito ang panukala na absolute divorce at dissolution of marriage ni Albay Representative Edcel Lagman na matatandaang nakalusot sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara nitong 17th Congress pero hindi umusad sa Senado.

Umaasa si Lagman na sa pagkakataong ito ay maipapasa na ang panukala na aniya’y pro-women lalo na sa mga nakakaranas ng pang-aabuso sa kanilang mga asawa.


Samantala, muling inihain din ni Isabela Representative Antonio Albano ang Medical Marijuana Bill na nakapasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara pero natengga lamang ito sa Senado.

Inihain din ang Sexual Orientation and Gender Identity and Expression o SOGIE Equality Bill o Anti-Discrimination Bill na 19 na taon ng pabalik-balik sa Kongreso.

Ang SOGIE Bill na layong protektahan ang karapatan ng mga LGBTQ+ o lesbian, gay, bisexual, transgender, queer/questioning plus community against sex- and gender-based discrimination ay nakalusot sa Kamara noong 2017 pero hindi umusad sa Mataas na Kapulungan matapos harangin ng mga conservative senators na sina Manny Pacquiao, Joel Villanueva at Sotto.

Dagdag pa sa kontrobersyal na mga panukala ang Freedom of Information ni Cebu Representative Raul del Mar na inaasahang maipapasa ngayong 18th Congress matapos na bigong maratipikahan ito ng Kamara noong 14th Congress.

Facebook Comments