Magpapatupad ng taas-presyo sa produktong petrolyo ang mga kumpaniya ng langis ngayong araw.
Ayon sa Shell, Petro Gazz, PTT Philippines, SeaOil, Caltex, Eastern Petroleum, Total, Jetti Pump at Phoenix Petroleum, P0.80 ang kanilang taas-presyo sa kada litro ng diesel habang P0.75 naman sa kada litro ng gasolina.
Nasa P0.90 naman ang dagdag sa kada litro ng kerosene ng Shell, SeaOil at Caltex.
Epektibo ang oil price hike simula alas-6 ng umaga maliban sa Caltex at Eastern Petroleum na nagpatupad ng alas-12:01 ng hatinggabi.
Mababatid na mula Enero 1 hanggang Abril 29, umabot na P10.29 ang iminahal ng kada litro ng gasolina, P7.64 sa diesel at P5.17 sa kerosene.
Samantala, nagbabadya ring magkaroon ng pagtaas sa presyo ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) sa Mayo 1.
Tinatayang nasa P0.50 hanggang P1 kada kilo ang pagtaas o P5.50 hanggang P11 kada regular na tangke.