Ilang labor group, nanawagan na imbestigahan ang pagbagsak ng pinapalitang elevator sa isang gusali sa Makati City kung saan dalawa ang nasawi

Umapela ang grupong Federation of Free Workers (FFW) sa Department of Labor and Employment (DOLE) na magsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ng dalawang elevator installer at ikinasugat ng dalawang iba pa matapos ang pag-collapse ng elevator sa Burgundy Tower kahapon ng madaling araw sa Gil Puyat Avenue, Barangay Pio del Pilar, Makati City.

Ayon kay FFW President Atty. Sonny Matula, bilang overall responsible para sa pagpapatupad ng kanilang bagong Occupational Safety and Health Law ay dapat gumawa ng kaukulang hakbang at magpadala kaagad ng mga imbestigador upang malaman ang tunay na pagkamatay nina Manuel Linayao at Rey Miguel Gilera, kapwa elevator installer at empleyado ng DLC Contractor Company.

Paliwanag ni Atty. Matula, ang dalawang nasawi at dalawang nasugatan ay hindi na biro at hindi nila papayagan na ang mga manggagawa ay masasawi sa kanilang pinapasukan kung saan ay maiiwasan sana kung ipatutupad ang health and safety measures.


Binigyang diin pa ni Atty. Matula na kailangan talagang maimbestigahan kung mayroong kapabayaan sa naturang aksidente at ang mga manggagawa ay dapat mayroong nagrepresenta nitong Occupational Safety and Health Committees sa lahat ng enterprises.

Facebook Comments