Umapila ang grupong Nagkaisa Labor Coalition sa Department of Labor and Employment (DOLE) na magsagawa ng imbestigasyon sa nangyaring sunog kaninang madaling araw na ikinamatay ng isang hindi pa kilalang personalidad at ikinasugat ng isa pa sa Valenzuela City.
Ayon kay Nagkaisa Labor Coalition President Atty. Sonny Matula, sariwa pa umano sa kaisipan ng kanilang hanay ang nangyaring sunog ng kompanyang Kentex na gumagawa ng tsinelas noong taong 2015 kung saan 74 na mga manggagawa ang nasawi.
Paliwanag ni Atty. Matula na mayroon umanong kapangyarihan ang kalihim ng DOLE o kaya ang kaniyang responsableng regional director, bilang overall responsible para sa pagpapatupad ng bagong Occupational Safety and Health Law para magsasagawa ng malalimang imbestigasyon.
Giit ng grupong Nagkaisa Labor Coalition na hindi nila papayagang marami pang mga manggagawa ang nasasawi sa sunog na maaari naman umanong mapigilan sa pamamagitan ng pag-oobserba ng health and safety measures.