Ilang labor group pinatututukan sa mga mambabatas ang nakabinbing wage hike bills sa halip na PI

 

Nanawagan ang grupong Nagkaisa Labor Coalition sa mga senador at kongresista na tutukan ang usapin ng naka-pending na wage hike bills sa halip na pinagkakaabalahan ang People’s Initiative (PI).

Ayon kay Nagkaisa Labor Coalition Chairman Atty. Sonny Matula, umapela sila sa mga senador at kongresista na madaliin ang pagpasa sa Php150 wage hike bill sa halip na atupagin umano ang pag-amyenda sa ilang probisyon sa ating Saligang Batas.

Paliwanag pa ni Atty. Matula, dapat umano nilang itulak ang nakabinbing Php 150-Php 750 bawat araw na dagdag sahod sa mga private sector, lalo na ang Php 33,000 entry level monthly salary para sa public sector workers.


Sinabi rin nitong ang naging aksyon ni Senator Jinggoy Estrada, Chairperson ng Senate Labor Committee na isponsoran ang Senate Bill (SB) No. 2534 para sa Php 100 daily minimum wage hike ay positibong hakbang tungo sa pagtugon sa mga manggagawa sa private sector sa buong bansa, ito ay sa kabila ng orihinal na panukala ni Senator Migz Zubiri na ibaba sa Php100.

Nanawagan din si Atty. Matula sa kanilang miyembro at sa publiko na ipagpatuloy ang pagtutulak para sa dagdag sahod.

Facebook Comments