Ilang labor group, hinikayat si Pangulong Duterte na sertipikahan bilang “urgent” ang ‘Pandemic Leave’ Bill

Hinimok ng grupong Nagkaisa Labor Coalition si Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahan bilang “urgent” ang House Bill 7909 na 14-day quarantine leave sa Kongreso matapos ibalik ang National Capital Region (NCR) at karatig na mga probinsiya sa mahigpit na pagpatutupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ayon kay Nagkaisa Labor Coalition Chairperson Atty. Sonny Matula, napapanahon na ngayon ang agarang pagpasa ng Senado at Kamara ng naturang panukalang batas upang mabigyan ng proteksyon ang mga mahihirap na manggagawa.

Matatandaan na noong nakaraang December 2020, ang House Labor and Employment Committee ay inaprubahan ang House Bill 7909 na nagpapahintulot sa 14 na araw na bayad ang quarantine leave sa mga manggagawa upang masuportahan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan ngayon nararanasang pandemya.


Giit ni Atty. Matula, dahil sa kawalan ng benepisyo ng mga manggagawa napipilitan silang magtrabaho sa gitna na rin ng napakadelikadong sitwasyon kung saan nakasalalay ang kanilang buhay at kaligtasan.

Facebook Comments