Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang ilang labor groups para hilingin na manghimasok na ang Kataas-taasang Hukuman sa isyu ng paglilipat ng pondo ng Philippine National Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa National Treasury.
Giit ng grupong Nagkaisa Labor Coalition at Federation of Free Workers, hindi makatwiran na ibalik ang nasa P89.9 billion na sobrang pondo ng PhilHealth.
Mas maiging ilaan na lamang daw ang pondo bilang dagdag benepisyo at serbisyo ng PhilHealth sa mga miyembro nito.
Paliwanag pa ng mga labor groups, malinaw na labag sa Konstitusyon ang naturang hakbang at siguradong maaapektuhan ang ibang programa at pagpapalawak ng serbisyo ng PhilHealth.
Ang naturang pondo ay magiging malaking tulong sa mga nangangailangan lalo na ang mga mahihirap sa isyu ng kalusugan sa halip na gamitin ito sa ibang proyekto na matagal na matapos.