Ilang Lansangan sa Jones, Isabela, Inaayos Na!

*Jones, Isabela- *Inaayos na ang ilang mga lansangan sa Brgy. District 2 ng Jones, Isabela at naihahatid na rin ng maayos ng mga negosyante ang kanilang mga paninda mula sa kanilang baryo patungo sa kanilang palengke.

Ito ang ibinahaging impormasyon ni Brgy. Capt*. *Elma Sabiniano ng District 2, Jones, Isabela na nitong ika-labing pito lang ng Agosto nagsimula ang kanyang proyekto sa pamamagitan ng paglalagay ng graba sa kanilang mga lansangan upang maging maayos ang mga ito.

Ito ay sa tulong na rin ng mga kasapi ng 513th Battalion ng Engineering Brigade upang mapabilis ang kanilang paglalagay ng mga graba lalo na sa mga maputik na bahagi ng kanilang mga lansangan at sa ngayon ay nasa mahigit limang kilometro na ang kanilang natatapos na malagyan ng graba.


Ayon pa sa kapitana, tumulong rin ang mga kasundaluhan sa pagsasaayos sa kanilang mga drainage canal at malaki naman ang kanyang pasasalamat sa mga militar dahil sa kanilang pakikipagtulungan.

Malaki rin ang pasasalamat ng kapitana sa ibinigay na dalawang daang libong piso ng Pamahalaang Panlalawigan bilang dagdag tulong para sa kanilang mga proyekto.

Facebook Comments