ILANG LAUNDRY SHOP SA CAUAYAN CITY, APEKTADO RIN SA TAAS-PRESYO NG LPG AT SINGIL SA KURYENTE

Dahil sa sunod-sunod na pagtaas presyo ng mga bilihin gaya ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) at taas-singil sa kuryente ay ramdam rin ng ilang laundry shop dito sa Lungsod ng Cauayan ang epekto nito sa kanilang negosyo.

Sa ating panayam kay Ms. Dianne, staff ng isang laundry shop sa kahabaan ng Quezon St. sa barangay District 2 dito sa Lungsod ng Cauayan, sinabi nito na dati-rati, bago pa mag Disyembre ay marami na ang mga nagpapalaba sa kanilang pwesto pero dahil aniya sa mahal ng mga bilihin ngayon ay pailan-ilan na lamang ang mga nagpapalaba.

Gayunman, tuloy-tuloy pa rin ang kanilang operasyon para maserbisyuhan pa rin ang kanilang mga kliyente.

Hindi na rin aniya sila nagtaas ng singil sa mga nagpapalaba para hindi na dumagdag sa kanilang bayarin kundi nag-alok na lamang sila ng promo na maaaring i-avail ng kliyente.

Payo lamang nito sa mga nagpapalaba na magdala na lamang ng sariling sabon at fabcon para makatipid at tanging ang serbisyo lamang ang babayaran.

Nagpapasalamat naman ito sa mga patuloy na sumusuporta sa kanilang hanay dahil kahit papaano ay mayroon pa rin umano silang kaunting kinikita.

Inaasahan naman sa darating na Disyembre ang maraming bilang ng mga magpapalaba dahil na rin sa malamig na panahon at kinaugalian na ng mga Pilipino na nilalabhan na ang mga kailangang labhang gamit bago pa abutan ng bagong taon.

Facebook Comments