Ilang lending company na namamahiya ng mga indibidwal na nangungutang, kinasuhan ng SEC sa DOJ

Naghain ang Securities and Exchange Commission o SEC ng reklamong criminal laban sa tatlong lending companies, isang financing corporation, at dalawang business process outsourcing o BPO na sabit sa umano’y pangha-harass, pamamahiya at iba pa sa mga indibidwal na may pagkakautang.

Nagtungo ang SEC sa Department of Justice o DOJ para sampahan ng reklamo ang mga kompanya na kinabibilangan ng mga sumusunod:

• FESL Lending Investor Corp.
• FESL Business Process Outsourcing Services
• Realm Shifters Business Process Outsourcing Services
• U-PESO.PH Lending Corp.
• Philippine Microdot Financing Corp.
• Armorak Lending Inc., na nag-o-operate sa ilalim ng “Ayuda’s at Weloan”


Ayon kay Oliver Leonardo, Director ng SEC na 28 na tauhan ng mga ito ang pinagharap ng reklamo, kabilang ang ilang Chinese nationals na silang may-ari o nagpapatakbo ng ilang nabanggit na negosyo.

Sinabi ni Leonardo na ang respondents ay nakitaan ng paglabag sa Lending Company Regulation Act, at Financial Prodcust and Services Consumer Protection Act.

Aniya, ipinagbabawal sa batas ang anumang uri ng pambabastos, pamamahiya, paglapastangan sa karapatan ng mga umutang, at pag-share o pamamahagi ng mga contact details.

Babala ni Leonardo, mahaharap sa multang P2 million at kulong na aabot sa 5-taon ang mga mahahatulan.

Sinabi ni Leonardo na maraming natatanggap ang SEC na reklamo, at ang mga sangkot na gumagamit ng hindi rehistradong numero at iba pang platforms.

Pagtitiyak naman ni Leonardo, tuloy-tuloy ng paghabol ng SEC sa mga lending company at katulad na lumalabag sa batas, pinayuhan niya rin ang mga biktima na huwag matakot na humingi ng tulong sa kanilang tanggapan at magsampa ng kaukulang reklamo.

Facebook Comments