Naghihintay pa ng suplay ng bakuna ang ilang Local Government Units (LGUs) sa NCR Plus 8 bago simulan ang pagbabakuna sa A4 priority group o economic frontliners kontra COVID-19.
Ayon kay Laguna Provincial Health Director Dr. Rene Bagamasbad, hinihintay pa nila ang mga panuntunan sa pagtuturok sa A4 category lalo’t marami pa silang backlog mula sa A2 at A3 category o mga senior citizen at mga may comorbidity.
Nakaabang din sa supply ng bakuna ang Antipolo sa Rizal bago simulan ang pagbabakuna.
Ang Marikina City naman ay tatapusin muna ang pagbabakuna ng mga nasa A2 at A3 category bago turukan ang mga economic frontliners.
Hihintayin din muna nila ang steady na supply ng bakuna na inaasahan sa Hunyo 14.
Umapela na rin sa national government ang Imus, Cavite LGU ng karagdagang alokasyon ng bakuna para masimulan na ang pagbabakuna sa A4 category.