Lumagda ng kasunduan sa AstraZeneca ang ilang Local Government Units (LGU) para sa advanced purchase ng kanilang COVID-19 vaccine.
Kanina nang ianunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno ang planong pagbili ng 800,000 doses ng bakuna sa ilalim ng tripartite agreement sa National Task Force (NTF), Department of Health (DOH) at AstraZeneca.
Bibili rin ang Manila LGU ng 12 refrigeration units na paglalagyan ng mga bakuna.
600,000 doses din ng AstraZeneca vaccine ang bibilhin ng Caloocan; 640,000 doses sa Valenzuela City; 100,000 doses sa Navotas City at 400,000 doses sa Pasig.
Naglaan naman ng P50 milyong pambili ng bakuna ang San Juan City habang P200 million ang sa Mandaluyong.
Bukod sa mga lungsod sa Metro Manila, lumagda na rin ng kasunduan para sa pagbili ng bakuna sa AstraZeneca ang mga lokal na pamahalaang lungsod ng Vigan, Ormoc at Iloilo province.