Ilang libong pamilya sa ilang bahagi ng bansa, inilikas dahil sa Bagyong Pepito

Tinatayang nasa 5,000 pamilya ang inilikas sa ilang bahagi ng bansa dahil sa sama ng panahon na nararanasan dulot ng Bagyong Pepito.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Assistant Secretary Casiano Monilla na malaking bahagi ng mga inilikas ay mula sa Region 4-A partikular sa Quezon Province kung saan nasa 4,790 pamilya ang apektado mula sa 64 na mga barangay.

Nananatili rin sa iba’t ibang evacuation centers ang nasa 184 na pamilya o 645 na katao mula sa Region 2.


Ayon pa kay Asec. Monilla, may ilang kalsada at tulay ang nananatiling unpassable hanggang sa mga oras na ito dahil sa taas ng baha tulad ng Cabagan, Sta. Maria road.

Nagkaroon din aniya ng paglikas sa Pampanga habang sa Cagayan ay inilikas ang 171 pamilya, 168 na pamilya din ang in-evacuate sa Isabela at tatlong pamilya sa Quirino.

Paliwanag ng opisyal, sinusunod ang health safety protocols sa mga evacuation center upang matiyak na hindi kakalat ang COVID-19.

Samantala, kasunod nito, iniulat ni Monilla na walang casualties ang bagyong Pepito pero pinayuhan nito ang publiko na mag-ingat pa rin dahil sa pagtaya ng PAGASA ay nasa lima hanggang walong bagyo pa ang papasok sa bansa bago matapos ang taon kung saan isa o dalawa rito ay sadyang mapaminsala.

Facebook Comments