
Nagpulong muli sa ikalawang pagkakaataon ang ilang lider ng Kamara at partido politikal ng 19th at 20th congress matapos ang midtern elections at ilang araw bago ang muling pagbabalik ng session sa lunes, June 2.
Base ito sa mga larawang ipinost sa social media nina Congressman-elect Alfredo Garbin, House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega at Camarines Sur Rep. Lray Villafuerte na siya ring pangulo ng national unity party.
Dumalo sa pulong sina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Presidential Son, House Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos.
Gayundin sina House Deputy Speaker David Suarez, House Majority Leader Mannix Dalipe, House Minority Leader Marcelino Libanan, mga miyembro ng Young Guns, at ilang nanalong kongresista na uupo sa 20th Congress.
Binanggit ni Garbin na layunin ng pulong na maging epektibo at episyente ang transition sa 20th Congress.
Sinabi naman ni Quezon Rep. Mark Enverga na tinalakay din ang mga panukalang batas ng 19th congress na nakasalang pa sa bicameral conference committee, at target ratipikahan.









