Nakatanggap ang Commission on Elections (COMELEC) ng 1,111 reklamong may kinalaman sa vote buying nitong nagdaang eleksyon.
Ayon ka COMELEC Commissioner George Garcia, sa nasabing bilang 210 complainants ang pinadalhan nila ng sulat upang hikayating maghain ng pormal na reklamo.
‘Yun nga lang, tatlo lamang sa kanila ang nagpahayag ng kahandaang magsampa ng kaso.
“Yun po kasing mga kaso lalo na yung pamimili ng boto, kasong kriminal po yan. So yung amin pong nabigyan ng sulat, more or less kami ay naniniwala sa kanilang sinasabi. Kaya nga, kakailangan nga lang po na merong formal complaint sila na mafa-file sa atin upang pormal din naman natin na mabigyan ng notice yung mga sinasakdal nila para makasagot naman dun sa mga akusasyong laban sa kanila,” ani Garcia sa panayam ng DZXL558 RMN Manila.
Aminado rin si Garcia na bagama’t matagal nang isyu tuwing halalan ang vote buying ay wala pa ‘ni isa ang naipapakulong dahil dito.
“Una, dahil napakahina po ng ebidensya. Number two, minsan po yung mismong nagko-complain, nagwi-withdraw lalo na nakatapos na ang eleksyon whether nanalo o natalo yung mismong dinedemanda nila. Number three, nawawala yung interes. E tatandaan po natin, sa mga ganitong kaso, kakailanganin sila ng estado upang magtestigo at sabihin na ito ang mga nakalap nila at sila mismo ay naandun o sila mismo ay nabigyan ng pera o kahit anong bagay na namili yung kandidato,” paliwanag niya.
Samantala, kinumpirma rin ni Garcia na ilang local candidates ang pinadalhan nila ng summon para pagpaliwanagin kung bakit hindi sila dapat madiskwalipika.
Tumanggi naman ang komisyoner na pangalanan ang mga ito habang gumugulong ang proseso.
“Madami na rin tayo na-issue na summons kung saan pinasagot natin ang respondents kung bakit hindi sila dapat ma-disqualify,” saad ni Garcia.
“Meron din tayo na constitutional provision na nagga-guarantee po ng tinatawag na presumption of innocence. So, for the meantime po, inosente sila kaya nga po tatandaan po natin, hindi po ang Comelec ang magsasabing guilty sila, ang korte,” dagdag ng komisyoner.