Pormal ng tinanggap ng mga lokal na pamahalaan sa iba’t-ibang panig ng bansa ang kani-kanilang Patient Transport Vehicle o PTV na donasyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Naganap ang turn-over ceremony sa mismong satellite office ng PCSO sa San Marcelino Street sa Lungsod ng Maynila na pinangunahan nina Angelo De Leon, Executive Assistant ni PCSO chairman Anselmo Simeon Pinili at Atty. Kaye Paquera na Chief of staff ni General Manager Royina Garma.
Nasa 40 na PTV ang ibinigay na donasyon ng PCSO at bawat isa ay nagkakahalaga ng higit ₱1.5M.
Nabatid na aabot sa ₱63.4M ang inilaan na budget ng PCSO dahil naniniwala sila na malaking tulong ito para mas lalo pang mapaganda at mapabilis ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang serbisyong medikal.
Bukod sa mga lokal na pamahalaan, binigyan din ng tig-iisang unit ang ilang government hospital kasama na ang ilang government institutions.
Ilan naman sa mga dumalo sa turn-over ceremony ay sina Mayor Jeffrey Soriano ng Tugegarao City, Mayor Arthur Binas ng Sapian, Capiz, Mayor James Manabilang ng Lanao del Sur at Governor Santiago Cane ng Agusan del Sur.
Kapwa sila nagpapasalamat sa PCSO at sa pamahalaan saka sinabing malaking bagay ang ipinagkaloob sa kanila dahil mabilis na silang makatutugon sa kanilang mga mamamayan na nangangailangan ng serbisyong pangkalusugan.