Manila, Philippines – Naninindigan ang ilang mga Liberal Party Congressmen na “in good faith” ang order ni dating Pangulong Noynoy Aquino sa Oplan Exodus sa Mamasapano Maguindanao.
Ito ay kahit pa sinampahan na ng kasong kriminal sa Sandiganbayan ang dating Pangulong Aquino at sina dating PNP Chief Alan Purisima at dating SAF Director Getulio Napeñas.
Ayon kay Caloocan Rep. Edgar Erice, mukhang handa naman ang dating Presidente na harapin ang ikinaso sa kanya ng Ombudsman.
Depensa ni Erice kay dating Pangulong Aquino sa tanong kung may bigat ang ikinaso dito, sinagot nito na malinis ang konsensya ni Aquino at ginawa lamang niya ang nararapat para tugisin ang pangunahing terorista na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.
Bagamat aminado si Erice sa sinapit ng SAF 44, mahalaga aniya na nagawa pa rin ng dating Pangulo ang misyon sa nasabing operasyon.
Kung sakaling buksan muli ang imbestigasyon sa Mamasapano Clash sa Senado ay maaaring humarap dito si Aquino.