Tinukoy ng OCTA Research team ang ilang lugar sa bansa na nakitaan ng pagtaas ng reproduction rate ng Coronavirus Disease.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Dr. Butch Ong, OCTA Research Group na dito sa Metro Manila, naglalaro sa 1.10% hanggang 1.17% ang “r-naught” o reproduction rate ng COVID-19 na sadyang mataas kumpara sa below 1% nuong 1st week ng December.
Kabilang sa mga lugar na ito sa National Capital Region ay ang Quezon City, Manila, Pasig, Parañaque at Marikina City.
Habang sa labas ng Metro Manila ay nakitaan ng bahagyang pagtaas ng kaso ang Davao del Sur, Isabela, Quezon, Misamis Oriental, Pangasinan, Agusan del Sur, Negros Oriental, Cebu City at Zamboanga del Sur.
Pero aminado si Ong na isang factor sa pagtaas ng positivity rate nitong nakalipas na holiday season ay dahil kakaunti lamang ang naisagawang testing.
Asahan na aniyang dadami na ulit ang testing sa loob ng linggong ito at sa mga susunod na linggo kaya inaasahang muling bababa ang positivity rate kasabay ng pagtalima ng lahat sa health and safety protocols.