Baha pa rin sa ilang lugar sa Davao Region dahil sa patuloy na pag-ulan.
Sa Barangay La Union, San Isidro, Davao Oriental, ilan sa mga bahay ang pinasok na ng baha.
Hindi naman madaanan ng mga sasakyan ang mga kalsada sa mga barangay ng Dahican at Matiao sa Mati City dahil na rin sa baha.
Magdamag ding binantayan ng mga awtoridad ang mga ilog sa rehiyon dahil sa posibleng pag-apaw ng tubig.
Kagabi, itinaas sa code red o critical level ang bago creek dahilan upang ipatupad ang mandatory evacuation sa Barangay Bago-Aplaya, Bago Gallera, Baliok, Dumoy, at Talomo Proper.
Maaga ring pinalikas ang mga residenteng nakatira malapit sa Davao River dahil sa pagtaas ng tubig gayundin ang mga komunidad malapit sa Bunawan at Licanan Rivers.
Isang malaking tulay naman sa Barangay San Roque sa New Bataan, Davao de Oro ang naputol dahil sa malakas na ragasa ng tubig.
Walang nasugatan sa insidente at agad na kinordonan ang Bangoy Bridge.
Nakapagtala rin ng landslide sa Purok 2, Barangay Canidkid, Montevisata habang ilang kalsada ang nabitak sa Purok 1 dahil sa walang tigil na pag-ulan.
Isinara naman sa mga motorista ang national highway ng Barangay Badas dahil sa malaking landslide kagabi.