Lubog na sa baha ang ilang bahagi ng Metro Manila at kalapit probinsya dahil sa pananalasa ng Bagyong “Ulysses”.
Sa Marikina, nagpasaklolo na sa Philippine Coast Guard (PCG) si Mayor Marcy Teodoro para ma-rescue ang mga residente nitong stranded sa kanilang mga bahay.
Karamihan sa mga stranded ay mula sa mga Barangay Nangka, Malanday, Tumana at sa Barangay San Roque na dating hindi naman binabaha.
Inabot na rin hanggang sa ikatlong palapag ang tubig-baha sa Marikina City Hall.
Ayon sa alkalde, maihahalintulad na sa Bagyong Ondoy ang nararanasang pagbaha ngayon sa lungsod.
Alas-10:33 kaninang umaga, sumampa na sa 22.0 meters ang antas ng tubig sa Marikina River na mas mataas kumpara sa 21.5 meters noong 2009 kung kailan tumama ang Bagyong Ondoy.
Samantala, sa Pasig City, inabot na rin ng baha ang ikalawang palapag ng mga tahanan partikular sa Barangay Santolan.
Hindi rin nakaligtas sa baha ang ilang lugar sa mga lungsod ng Quezon, Mandaluyong at Malabon.
Daan-daang residente rin sa bayan ng Novelete, Cavite ang na-trap sa bubong ng kanilang mga tahanan dahil sa biglaang pagbaha bunsod ng pag-apaw ng tubig sa Ilang-Ilang River.
Lagpas-tao na rin ang baha sa Barangay Saog, Marilao, Bulacan kasunod ng pag-apaw ng Marilao River kaninang umaga.
Habang humihingi na rin ng tulong para makalikas ang ilang residente sa Rodriguez at San Mateo, Rizal.