Ilang lugar sa Metro Manila, isasailalim sa granular lockdown dahil sa pagsipa ng kaso ng COVID-19; Checkpoints, ibabalik din!

Ilang lugar sa Metro Manila ang isasailalim sa granular lockdown dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Sa Maynila, apat na araw na isasailalim sa lockdown ang Barangay 699 at Barangay 725 sa Malate, Barangay 351 sa San Lazaro at Tayuman na magsisimula bukas, March 11.

Nadagdagan din ang mga lugar sa Quezon City na inilagay sa special concern lockdown.


Bukod sa lockdown, naghigpit na rin ang mga Local Government Unit (LGU) sa pagpapatupad ng minimum health protocols para mapigilan ang lalong pagsipa ng sakit at pagkalat ng mga bagong variants ng COVID-19.

Simula ngayong araw, muling ipapatupad sa Caloocan City ang Color-Coded Quarantine Pass System kung saan nakadepende sa kulay ng quarantine pass ang araw kung kailan lamang papayagang makalabas ang kanilang mga residente.

Mula kasi sa 80 aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod noong Nobyembre, umakyat na ito ngayon sa 371.

Maghihigpit din ang Mandaluyong City matapos na dumoble ang bilang ng kaso sa lungsod sa loob lamang ng isang linggo.

Nagpalabas naman ng three-strike policy si Navotas City Mayor Toby Tiangco kung saan pahaharapin sa reklamong neglect of duty ang sinumang opisyal ng barangay na mabibigong magpagtupad ng health protocols.

Sa lungsod ng San Juan, mas pinahaba ang curfew hour na ngayon ay iiral mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.

Lahat ng mahuhuling lalabag ay titiketan ng mga pulis.

Samantala, ayon kay Metro Manila Council (MMC) Chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, balak nilang gawing uniform ang curfew sa buong NCR.

Pati mga checkpoint ay ibabalik ng mga alkalde sa rehiyon.

Facebook Comments