Tinukoy ng Department of Health (DOH) ang ilang “emerging hotspots” ng COVID-19 sa Mindanao.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ikinukonsiderang hotspot ang isang lugar kapag nakapagtala na ng unang kaso ng COVID-19.
Maaari ding nagkaroon na dati ng kaso pero nadagdagan muli ito.
Ang mga tinukoy na COVID-19 emerging hotspots sa Mindanao ay ang mga sumusunod:
Northern Mindanao: Bukidnon, Lanao Del Norte, at Misamis Occidental
Davao Region: Davao Del Norte, Davao Del Sur, at Davao Oriental
Soccsksargen: South Cotabato at Sultan Kudarat
BARMM: Maguindanao
Sinabi ni Vergeire na ang mga nabanggit na hotspots ay mahigpit na binabantayan ng mga surveillance units.
Nauna nang tinukoy ng DOH ang ilang lugar sa Visayas bilang COVID-19 emerging hotspots.
Sa huling datos ng DOH, aabot na sa 37,514 ang kaso ng COVID-19 sa bansa, 10,233 ang gumaling, habang 1,266 ang namatay.