Isasailalim sa 14 na araw na Extreme Localized Community Quarantine o ELCQ ang ilang lugar sa Muntinlupa City dahil sa naitalang mataas na attack rate at doubling time ng pagkalat ng COVID-19.
Kasama dito ang Building 17, Filinvest Socialized Housing, Brgy. Alabang.
Gayundin ang mga lugar sa Katarungan Village na kinabibilangan ng housing project ng Department of Justice sa Brgy. Poblacion, Angelo Street, Horrileno Street, Endencia Street, Paredes Street at Barrera Street.
Nagsimula ang pagpapatupad ng ELCQ kaninang alas-6:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng gabi ng September 2.
Ang nabanggit na mga komunidad ay mayroon ding high risk groups gaya ng mga senior citizens, persons with disabilities, at kabataan na edad 5 taon pababa.
Magbibigay ang lokal na pamahalaan at barangay ng ayuda sa pagdaraos ng lockdown.
Magsasagawa rin ng mass testing ang City Health Office at paiigtingin ang detection-isolation-treatment strategy sa naturang lugar.
Ang mga residente ng apektadong lugar na nasa trabaho sa pagsisimula ng lockdown ay papayagang makauwi sa kanilang mga bahay ngunit hindi na sila papayagang makalabas muli.
Ngayon ay pumalo na sa 2,186 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod.