Ilang lugar sa Surigao del Norte at Surigao del Sur, nakakaranas ng power outage dahil sa Bagyong Auring

Lubog na sa baha ang ilang lugar sa Surigao del Sur bunsod ng malalakas na ulang dala ng Bagyong Auring.

Sa mga larawang ibinahagi ni Surigao Del Sur Governor Alexander “Ayec” Pimentel, makikita ang pag-apaw ng tubig sa ilog sa Tandag City dahilan ng pagbaha sa mga komunidad na malapit dito.

Ayon kay Surigao Del Sur Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Chief Abel De Guzman, nasa 8,000 indibidwal na ang kanilang inilikas.


Apektado na rin ng bagyo ang nasa 126 barangay mula sa 17 munisipalidad ng probinsya.

Ilang bahagi rin ng probinsya ang nawalan ng kuryente dahil sa taas ng tubig.

Samantala, nasa 5,052 pamilya o 18,590 indibidwal naman mula sa mga coastal area sa Surigao del Norte ang una nang inilikas dahil sa banta ng storm surge.

Sa ngayon, intermittent o panaka-nakang pag-ulan pa lang ang nararanasan sa probinsya habang hindi pa rin malakas ang bugso ng hangin.

Sa huling weather bulletin ng PAGASA kaninang alas 2:00 ng hapon, nakataas ang signal number 1 sa Surigao del Sur habang signal number 2 sa Surigao del Norte kabilang ang Siargao at Bucas Grande Islands.

Facebook Comments