Ilang mag-aaral ng EARIST, nagkilos-protesta dahil sa umano’y forced haircuts policy ng paaralan sa mga transgender

Nagsagawa ng kilos-protesta ang ilang mag-aaral ng Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) kaugnay sa forced haircuts policy ng paaralan bago makapag-enroll.

Ito’y kasunod ng viral video ng Bahaghari PH kung saan napilitan ang ilan sa mga mag-aaral na magpaputol ng kanilang buhok matapos harangin ng school administration ang kanilang pag-e-enroll dahil dito.

Tinutuligsa ng Bahaghari-EARIST ang polisiya na malinaw aniya na isang diskriminasyon at paglabag sa karapatan ng mga mag-aaral na LGBT.


Simbolikong sinunog ng grupo ang tarpapel ng EARIST Student Hand Book bilang pagtututol sa anti-estudyanteng probisyon na hindi umano kumikilala sa gender expression ng transgender students.

Sa grooming policy nito, sinasabing ang transwomen students ay dapat may gupit na ‘sport short hair’ na naging balakid sa kanilang enrollment.

Samantala, naglabas na ng opisyal na pahayag ang EARIST kaugnay sa enrollment at haircut policy ng mga estudyante.

Ayon sa state college, ang lahat ng estudyante ay pinapayagang mag-enroll anuman ang kasarian nito at ayos ng kanilang buhok.

Unverified din umano ang mga kumakalat na video sa social media.

Facebook Comments