Isang linggo matapos ilabas ng PAGASA ang pinal na anusyong pagtatapos ng La Niña ngayong buwan ng Marso ay masasabi na rin ng mga magsasaka na panahon na rin ng pag-aani ng kanilang mga pananim gaya na lamang ng palay o mais.
Sa naging panayam ng IFM Dagupan sa ilang magsasaka sa Pangasinan, ngayong panahon na umano ang tamang oras ng pag-aani sa mga itinanim na 1st o 2nd crop na tanim ng mga ito dahil sa mainit na panahon kung saan mas mabilis din matuyo ang mga ibinibilad na mga ani.
Dahil sa magandang pananim at panahon ay nagresulta ito sa mas maganda at mataas na presyo ng farm gate ng mga ani.
Samantala, sinabi ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na tumaas ng P1.50 ang presyo kada kilo ng palay, habang tumaas ng P3.00 ang milled rice.
Ayon naman sa ilang magsasaka sa lalawigan, kung sakaling umanong makakita ang mga ito ng mas mataas ang presyo ng palay kung ibebenta ay mas pipiliin pa rin nila ito sa halip na ibenta sa National Food Authority (NFA) Eastern Pangasinan na nag-aalok na bumili sa halagang P19 kada kilo para sa buffer stocks nito.
Hindi pa umano handa na ibenta ng ilang magsasaka ang kanilang palay sa NFA dahil na rin sa mataas paring mga bilihin. |ifmnews
Facebook Comments