ILANG MAGULANG SA PANGASINAN, DOBLE-INGAT KONTRA HFMD

Doble-ingat ngayon ang ilang magulang sa Pangasinan upang maiwasang mahawa sa tumataas na bilang ng kaso ng viral disease na Hand, Foot and Mouth Disease o HFMD sa mga bata.

Ayon sa ilang magulang na nakapanayam ng IFM News Dagupan, kalinisan sa buong katawan at palagiang paghuhugas ng kamay ang madalas na bilin sa mga anak bilang pangunahing depensa sa anumang uri ng sakit upang hindi madaling mahawa.

Dahil mas mabilis mahawa sa sakit ang mga bata, dapat ay parehong paglilinis din ang ginagawa ng mga nakatatanda na kasama sa bahay.

Bukod sa kalinisan, makakatulong din umano ang pag-inom ng vitamins araw-araw para mapalakas ang pangangatawan.

Karaniwang sintomas ng HFMD ang rashes sa kamay, paa at bibig, lagnat at mouth sores o singaw na sanhi ng pagkawala ng ganang kumain ng bata.

Sa pinakahuling datos ng Department of Health Region 1, pumalo na sa 605 kaso ng HFMD ang naitala sa Ilocos Region ngayong taon kung saan 280 dito ang naitala sa La Union, 252 kaso sa Pangasinan, 49 sa Ilocos Norte at Ilocos Sur na may kaso. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments