Hindi napigilan ng mga magulang na mapaiyak habang isinasalaysay ang kanilang pagdurusa sa pagdinig ng senate committee on public order na pinamumunuan ni Senator Ronald Bato Dela Rosa.
Ayon sa mga magulang, nagbago bigla ang ugali ng kanilang mga anak, naging matigas ang ulo, nagsasalita na ng masasakit sa kanila, at nagpapabaya sa pag-aaral matapos mapabilang sa grupong Anak Bayan.
Ilan sa mga magulang ay ilang buwan na, yung iba halos isang taon nang walang komunikasyon sa kanilang mga anak na anila’y pinaka iningat-ingatan nila at pinalaki sa pagmamahal at maayos na paraan.
Iba sa kanila ay nagugulat na lang na makitang kasama na sa mga rally laban sa pamahalaan ang kanilang mga anak, ang iba ay namundok na at ang iba ay hindi na nila nakita.
Ang nabanggit na mga anak nila ay pawang mga estudyante ng University of the East, Far Eastern University at Polytechnic University of the Philippines.
Sabi ng Philippine National Police o PNP, mayroon silang intervention program para paliwanagan ang kaisipan ng mga kabataan na narerecruit ng militante o makakaliwang grupo.
Pero aminado ang PNP na hindi ito sapat at makakatulong kung kikilos din ang iba pang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Social Welfare and Development.