Sa loob ng ilang buwan, sunod-sunod na bagyo ang humagupit sa Pangasinan ngayong 2025.
Kabilang dito ang mga bagyong Crising, Dante at Emong na nagdulot ng malawakang pinsala sa lalawigan.
Alas-diyes kwarenta ng gabi ng Hulyo 24, 2025, tumama sa bayan ng Agno ang Bagyong Emong.
Sa ilalim ng Signal No. 3 at 4, na may lakas ng hanging umaabot sa 120 kilometro kada oras, binayo nito ang Western Pangasinan.
Maraming bahay, imprastraktura at pananim ang nasira, may mga lugar na binaha, at nabuwal ang mga puno at poste ng kuryente.
Ayon sa Pangasinan PDRRMO, umabot sa ₱1.2 bilyong piso ang pinsala sa imprastraktura, agrikultura at livestock.
Dahil dito, 25 munisipalidad at tatlong lungsod ang nagdeklara ng state of calamity.
Samantala, sariwa pa rin ang alaala ng pinsalang iniwan ng Super Typhoon Uwan—libo-libong pamilya ang naapektuhan, matinding pagbaha ang naranasan, nasira ang mga palaisdaan sa Dagupan City, at nawalan ng kuryente ang maraming lugar.
Dahil sa lawak ng pinsala, idineklara ang state of calamity sa buong Pangasinan, na tinukoy ng RDRRMC Ilocos bilang hardest-hit area sa Rehiyon Uno.







