Sa pagdinig ng Committee on Energy na pinamumunuan ni Senator Sherwin Gatchalian ay itinuro ni Energy Secretary Alfonso Cusi ang pagkawala ng suplay ng kuryente mula sa ilang malalaking power plant na pangunahing dahilan ng rotational brownouts na naranasan sa Luzon.
Ayon kay Cusi, katuwang ang Department of Justice (DOJ), Philippine Competition Commission (PCC) at Energy Regulatory Commission (ERC) ay iniimbestigahan na ang nasabing mga planta.
Tiniyak ni Cusi na kakasuhan ang mga ito kung mapapatunayang nagkaroon ng sabwatan.
Binanggit din ni Cusi na abnormalities sa deration o operating capacity ng ilang planta kaya bumaba ang suplay ng kuryente at ang mga ito ay kanila nang pinagpapaliwanag.
Diin ni Cusi, hindi power crisis ang nangayri kundi bunga ng pagpalya ng mga planta na magsuplay ng kuryente at dahil din sa hindi pagsunod ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP sa concession agreements na tugunan ang reserve requirements.