Manila, Philippines – Ilang kongresista ang umamin sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means na nagrekomenda sila sa Bureau of Customs.
Ito ay kasunod ng paratang ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon na kaya nababahiran ng korapsyon ang BOC ay dahil sa pangiimpluwensya ng ilang kongresista sa promosyon sa ahensya.
Ayon kay Ilo-ilo Rep. Ferjenel Biron, inamin nito na noong 2010 ay nagrekumenda siya ng collector sa BOC.
Classmate umano niya ito dati na ngayon ay nakatalaga na sa Batangas port.
Gayundin si Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay na nagrekomenda din sa BOC at sinabi nitong wala namang masamang magrekomenda.
Noon pa man ay may rekomendasyon na at sinusuri naman kung qualified ito.
Ipinunto pa ng mga mambabatas na maski si Faeldon ay inirekomenda din sa BOC.
Pinagsabihan naman nila Deputy Speaker Miro Quimbo si Faeldon na dapat matutong rumespeto sa kanilang institusyon dahil sa ayaw o gusto nito ay may mandato sila samantalang ito ay nakapwesto dahil lamang sa borrowed mandate sa Pangulo.