
Para sa ilang mamimili mataas pa rin ang ₱41 para sa regular milled rice at ₱45 sa well milled rice matapos ipatupad ngayong araw ang price ceiling sa buong bansa.
Sa panayam ng DZXL sa ilang consumers, kung tutuusin ay hindi pa rin abot kaya ang presyo dahil malapit pa rin ito sa ₱50 na siyang presyo ng karamihan sa mga bigas sa pamilihan.
Hiling nila maibaba pa sana ito gaya ng presyo ng NFA rice na naglalaro noon sa ₱27 hanggang ₱32.
Para naman sa ilang mamimili, okay na rin ang price ceiling dahil kahit papano ay makakamenus presyo at pwede pa nila itong ipang-dagdag sa ibang gastusin.
Matatandaan na ngayong araw ay mahigpit na ipatutupad ang rice price ceiling na direktiba mismo ng Pangulong Bongbong Marcos dahil sa biglaang pagsirit ng presyo ng bigas sa merkado.









