Nakararanas umano ng diskriminasyon ang ilang manggagawa sa Ilocos Region sa kadahilanang ayaw pang magpabakuna o hindi pa nababakunahan ang mga ito ayon sa Department of Labor and Employment Region 1.
Sa inilabas na pahayag ng DOLE Region 1, mayroon na umano itong report na natanggap kung saan inirereklamo ang ilang kompanya matapos makaranas ng diskriminasyon ang ilang empleyado dahil sa ‘No Vaccine, No work’ Policy.
Ayon kay DOLE Regional Director Atty. Evelyn Ramos, pinaiigting ng kanilang ahensya ang labor inspection upang masigurong sumusunod ang mga employers sa labor standards at hindi pagpapatupad ng mga polisiya na hindi makatarungan sa mga manggagawa.
Maging ang mga jobseekers sa rehiyon aniya ay hindi dapat makaranas ng diskriminasyon dahil sa kanilang vaccination status. Dagdag ni Atty. Ramos sa ilalim ng Republic Act 11525 nakasaad na ang vaccine card ay hindi dapat gawing dagdag na requirement para sa paghahanap ng trabaho.
Hinikayat ni Atty. Ramos ang mga manggagawa sa rehiyon na magsumbong sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa kanilang facebook page nakakaranas ng diskriminasyon sa kanilang trabaho dahil sa vaccination status.