Isang linggo matapos ang pananalasa ni Super Typhoon Uwan, ramdam pa rin ang matinding pinsala sa maliit na komunidad ng Bagong Barrio sa Brgy. Bonuan Gueset, Dagupan City.
Sa pagbisita ng IFM News Dagupan, ilang mangingisda ang naabutang tahimik na nakatanaw sa kanilang mga fishpen— na dati’y araw-araw nilang inaalagaan at nagsisilbing pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan bago manalasa ang bagyo.
Para kay Mang Bernard, isang mangingisda sa lugar, masakit tanggapin na ang pagod na ibinuhos niya sa pangangalaga ng kaniyang fishpen ay nawala sa isang iglap, na lalo pang nagpapahirap sa kalagayan ng kaniyang pamilya.
Sa kabila ng malaking pagkalugi at pagkawasak ng kanilang hanapbuhay, bakas pa rin sa kanilang mga mata ang pag-asa.
Hanggang ngayon, umaasa silang maabutan ng konkretong tulong upang muling makapagsimula.
Isa lamang si Mang Bernard sa maraming Pilipinong patuloy na kumakatok sa pamahalaan para sa sapat at tamang tulong na magbibigay sa kanila ng pagkakataong bumangon mula sa hagupit ng kalamidad.









