Umaasa si Cabinet Secretary Karlo Nograles na irerekonsidera ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang inihain niyang irrevocable resignation bilang contact tracing czar.
Kasunod na rin ito ng pagkakasangkot ni Magalong sa kontrobersyal na dinner party ng social media influencer na si Tim Yap dahil sa paglabag sa health protocols.
Ayon kay Nograles, nalulungkot sila sa pagbibitiw ni Magalong pero, inirerespeto pa rin nila ang prinsipyong pinanghahawakan ng alkalde.
Sinabi ni Nograles na hindi kayang pigilan ng Malakanyang ang pagre-resign ni Magalong dahil irrevocable ito pero, kakausapin siya ni Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez upang hindi ituloy ang pagbibitiw.
Maging si Health Secretary Francisco Duque III ay kukumbinsihin si Magalong na bawiin na ang kanyang resignation.
Aniya, malaki ang naitulong ni Magalong sa pagsasanay sa local chief executives, city at provincial health officers, maging sa local surveillance officers.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi tinatanggap ng malakanyang ang pagbibitiw ng Baguio City mayor.