ILANG MATATAAS NA OPISYAL NG GOBYERNO, SINAMPAHAN NG KASO SA OMBUDSMAN KAUGNAY NG UMANO’Y GHOST FLOOD CONTROL PROJECTS SA PANGASINAN

Sinampahan ng mga kasong Plunder, Malversation at Grave Misconduct sina dating 4th District Rep. Christopher de Venecia, Sual Mayor Liseldo Calugay,at ilan pang kontratista at opisyal ng DPWH kaugnay ng umano’y dalawang “ghost” flood control project sa Pangasinan na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P286 milyon.

Tinukoy ang isa sa mga complainant na si Samahan ng mga Operator at Tsuper ng Traysikel ng Pangasinan, Inc. President Jaime Aquino na nagsabing wala umanong nakitang aktwal na istruktura sa mga lugar na sinasabing pinaglalaanan ng proyekto.

Gayunman, inamin ng mga complainant na kulang pa sila sa ebidensya at humiling sila sa Independent Commission for Infrastructure at Ombudsman ng mas malalim na imbestigasyon.

Sinasabing makakatulong dito ang mga dokumentong hinihingi nila mula sa DPWH Pangasinan 2nd District Engineering Office para matukoy kung may kinalaman si De Venecia sa sinasabing iregularidad.

Mariin naman itong itinanggi ni dating Cong. De Venecia na aniya ay “lubos na mali at walang basehan,” at iginiit na lahat ng proyektong naipatupad noong kanyang termino ay “kumpleto sa dokumento, maayos na naisagawa, at naihatid sa mga komunidad.”

Binigyang-diin din niya na ang reklamong inihain ay mula kay Jaime Aquino, na aniya’y may “well-documented history” ng pagsasampa ng mga “walang basehan at malisyosong reklamo” at napaalis umano nang habambuhay sa National Press Club dahil sa paglabag sa journalistic ethics.

Ayon pa sa dating kongresista, ang mismong pag-amin ng complainants na wala pa silang ebidensya ay nagpapakitang ang kaso ay inihain “nang walang anumang substantiating facts.”

Handang magbigay ng lahat ng kinakailangang dokumento si De Venecia at kasalukuyan umanong pinag-aaralan ang mga legal na hakbang laban sa mga nagpapakalat ng maling akusasyon.

Samantala, dawit din sa isa pang umano’y tinukoy na ghost project ng construction firm na pagmamay-ari umano ng mag-asawang Calugay na dapat umano ay nakatayo na sa tabing ilog ng Brgy. Sto. Tomas Casibong , San Jacinto matapos makumpleto noon pang 2024.

Nanatili namang bukas ang imbestigasyon at wala pang pinal na konklusyon sa mga alegasyon.

Facebook Comments